ANG TUNAY NA LIDER
ni ADEL A. TAMANO
Ang pamumuno ay hindi lamang kapangyarihan at karangalan, manapa’y isang tungkulin at pananagutan sa bawat taong sakop ng pamamahala ng isang pinuno o lider.
Mayroon akong natutunan sa tunay na kahulugan ng pamumuno sa ilang panahon ng aking panunungkulan bilang pangulo ng PAMANTASAN NG LUNGSOD NG MAYNILA at bilang tagapagsalita ng UNITED OPPOSITION, marahil din sa aking pagiging ama ng maliliit ko pang mga anak o kaya’y dahil sa kawalan ng mga lider na makapagpapabago ng sistema ng ating pulitika.
TATLONG katangian ang dapat taglayin ng isang tunay at tapat na lider, batay sa aking mga karanasan:
1.Kilala niya ang kanyang nasasakupan
2.May pangitain siya o vision
3.At mahigpit siyang kalaban ng katiwalian (corruption)
Bagamat, hindi bagay sa isang pangulo ng pamantasan, ayon sa tingin ng iba, ang aking ginagawa araw-araw na magtungo sa mga class room, rest room, mga pasilidad at buong bakuran ng PLM, mag-interview ng mga istudyante, professor,kawani at mga manggagawa, nakita ko naman na mabunga ang aking mga sakripisyo, sapagkat nakilala ko ang lahat na uri ng tao na aking pinaglilingkuran. Nakita ko rin ang tunay na kondisyon ng PLM, nalaman ko kung anu-ano ang mga dapat ipaayos, nabatid ko kung sino sa mga kawani, guro at pati na mga karaniwang mangagawa ang tunay na nagtratrabaho , nagkukunwari at higit sa lahat ang mga tamad. Napag-alaman ko rin kung ano pang mga bagay ang dapat kong gawin bilang lider. Lahat ng ito ay nakatulong nang malaki sa pagbibigay ko ng mga desisyon
At dahil sa pakikihalubilo na aking ginawa, ngayon ay napalagyan ko na ang PLM ng libreng INTERNET ACCESS, mayroon ng modernong pasilidad tulad ng air-condtioned class rooms, library, cafeteria, hi-tech equipment at iba pa.
Lubos akong naniniwala, na isa sa mga dahilan kung bakit bigo ang pamumuno sa Pilipinas, dahil ang ating mga lider ay hindi makapaglaan ng kahit maikling oras upang alamin kung papaano nabubuhay ang mga Pilipino. Paano ka mamumuno, kung hindi mo kilala ang mga taong iyong pinamumunuan o hindi mo alam ang kanilang pangangailangan?
May pangitain o vision ang isang lider. Kailangan, higit at malawak ang saklaw ng kanyang pangitain kaysa sa kanyang nasasakupan. Dapat, mayroon siyang nakikita na hindi nakikita ng kanyang mga tao, sapagkat kung hindi, anumang grupo o organization ay hindi susulong lalong hindi uunlad. Ang tunay at tapat na lider ay hindi lamang nakatanaw sa magandang kinabukasan bagkus naipapaliwanag pa niya ang kanyang mga magaganda at makabuluhang pangitain o vision sa mga mamumuhunan at tuloy maganyak na makamit, makamtam ng mga tao niya ang wagas na mithiin.
Maraming hinirang na lider na naging tau-tauhan lamang dahil sa kulang o walang pangitain o vision para sa bayan, kaya’t hindi nakapagtataka kung mabusabos ang bansang ito.
Malugod at labis kong ikinasisiya kapag naririnig ko na marami akong nagawang pagbabago at pag-unlad sa PLM, inuulit ko tulad ng magandang pasilidad, fitness center, shuttle service, bonuses at iba pang mga benipisyo para sa mga kawani,guro at manggagawa. Lahat nang ito’y naging posible dahil sa aming mahigpit na patakaran laban sa katiwalian o corruption.
Hindi tiwali ang isang tunay at tapat na lider, dapat lumalaban sa katiwalian.
Sa PLM ay ipinatutupad namin ng tahas ang “Law of Procurement”. Idinadaan namin ang lahat ng pamimili sa tamang proseso at tinitiyak na may nakalaang pondo sa isang makatwiran at malinaw na pamamaraan. May pera ang PLM para sa kanyang panagangailangan.
Ang totoo niyan, hindi naman ganoong kalaki ang aking nagawa, simple lang ang aking ipinatupad. Bawal magnakaw ng pera ng bayan.
Kitang kita ko na sa isang maliit na yunit ng organisasyon ay maaring umusbong ang katiwalian at kayang sirain nito ang buong institusyon. Ito rin ang eksaktong nangyayari nang malawakan sa ating bansa. Kailanman ay hindi makapagbibigay ng mga kaayusang infrastructure, kalusugan, edukasyon at mga reformang panginstitusyonal hanggat may isang lider na tiwali o corrupt.
Bilang pangwakas, lahat ng aral na ito ay bunga ng marubdob na pagmamahal ko sa aking pamilya, na kung tutuusin ay pangsarili lamang; ngunit bilang isang karaniwang ama na may maliliit pang anak na si Santi, 6 na taon at Mike 3 taon, nababahala ako sa kanilang kinabukasan, kung ang ating bansa ay hindi magkakaroon ng mga lider na makakapagpapabago ng anyo ng ating lipunan, mga lider na may puso at damdamin sa kanyang kapwa; lider na may pangitain o vision, at mga lider na matapat at malinis sa kanilang mga tungkulin na ginagampanan.
Ang aking dalawang anak, ang inyong mga anak, ang mga anak ng bawat Pilipino; saan sila patutungo kung walang tunay na lider na mamumuno sa kanila?
Marami pong salamat.
Repost from http://oppositeofapathy.wordpress.com/2009/02/08/ang-tunay-na-lider/
Labels: Adel Speech